Binuksan ang tanghalan sa ikalawang produksiyon ng Dulaang UP ang ika-33rd Theater Season sa ika-100th Centennial celebration ng Unibersidad ng Pilipinas ang - ‘Isang Panaginip na Fili’, isang bagong musikal sa entablado na sinulat at idinirek ng isa mga natatanging produkto ng UP, Floy Quintos, mula sa artistikong patnubay ni Professor Emeritus Tony Mabesa. Ito ay patuloy na isinasa-entablado sa Wilfrido Ma. Guerrero Theater, Palma Hall, UP Diliman hanggang September 28, 2008.
Aking babagtasin ang ilan punang sa tingin ko ay – nakatulong at hindi nakatulong sa pagiging klaro ng nasabing pagtatanghal at pagsasa-entablado ng mga elementong panteatro base sa konsepto ni direktor Quintos.
Malimit kong natutunghayan ang El Filibusterismo ng pambansang bayaning si Jose Rizal sa ibang pagtingin at pananaw. Mas malalim ang pinupukaw ng Fili kaysa sa Noli para sa akin kung kaya’t mas mai-lalaro sa teknikal na pamamaraan ng pagkakasulat. Sa interpretasyon ni Quintos, nanatiling buo at solido ang nobelang nagbigay sa atin ng lalim ukol sa paghihiganti at katarungan. Hindi ko maikakaila na tagumpay ang manunulat sa kanyang itinahak.
Sa pananaw ni Tunying, kaibigang Pilipino ni Rizal nuong sila ay nasa Europa, nakatuon ang pananaw ng dula habang kanyang palihim na binabasa ang nobela ng kaibigang si Pepe.
Bilang direktor, nakulangan ako sa biswal na aspeto. Maaaring tama ako o mali subalit natitiyak kong may kamaliang bahagya sa aking natunghayan.
Mga punang kamalian: ang entablado na dinisenyo ni Tuxqs Rutaquio para sa akin, kilala sa industriya ng teatro bilang taga-disenyo na produksiyon, ay hindi maitatatwang ‘expressionist’ ang inspirasyon. Sa paggamit pa lang ng mga hugis at ang mga simbolikong representasyon nito sa entablado ay pagpapatunay na hangad niyang ipakita sa simbolikong paraan ang dula.
Bagama’t sanay si Quintos sa pagdidirihe ng iba’t ibang musikal, hindi nito lubusang ginamit ang entablado sa ‘expressionist’ na pamamaraan kung kaya’t mukhang litaw sa kawalan ang entablado ni Rutaquio. Attractive, maarte pero walang saysay at silbi. Mas may silbi sana kung konsepto ay humalili sa konsepto ni Bahz Lurman sa kanyang pelikulang musikal na ‘Moulin Rouge’ kung saan makulay at matinag ang biswal na aspeto ngunit kabugtutan ang nais iparating ng mga elementong ito. Naging matagumpay sana ang paggamit ng silver foil sa maraming bahagi ng entablado kung ito ay ginamit bilang pag-silaw sa manunuod kapag eksenang nobela.
Pilit ni Quintos gawing unit-set ang hindi naman dapat gawing pagkakahiwalay ng mga eksena. Ang pakiramdam kapag iyong pinanunuod, parang sabog na sabog ang ‘blocking’ ni Quintos. Mahina ang komposisyon ng mga elemento. Halimbawa, pilit niyang iginu-grupo ang mga eksenang dapat siguro ay ginagamit na ang buong entablado tulad ng eksenang sayaw ng mga ehipto (espinghe) sa mga karakater ni Rizal sa nobela. Sikip na sikip sa kaliwang entablado ang mga ulupong habang interesado kong minamatyag ang nakatutuwang melodiya ng musika (CJ Javier). Sana inihiwalay na lamang ni Rutaquio ang set sa mas maraming unit set ng mas lalong maging epektibo ang kabuuang komposisyon. Napaka-bigat kasi tingnan at mahirap unawain ang relasyon ng mga karakter sa kanilang kinaroroonan (set).
Lubos na nabagabag ako sa maling istilo sa galaw at sayaw (Van Manalo), literal na 'interpretative dance' ang kanyang isina-alang-alang at kinalimutan ang paggamit sana ng mga katawan ng artista sa mas malalim at abstraktong paggalaw. Dagdag pa sa elemento ay ang ka-walang kulay at buhay na ilaw (Luther Gumia). Ang ilaw sana ang gumabay sa pagkakaiba ng realistic at fictional scenes sa nobela. Ang matalas na pagpapalit ng ilaw ay kinakailangan sana. Isa sana itong malaking tagumpay kung naikonsidera. Ang kasuotan (Faust Peneyra) naman ay tila naglalaban-laban sa entablado. Ginastusan na sana ang mga kasuotan sa artistiko at praktikal na proseso tulad ng hitsura ng entablado. Sa mahinang direksiyon ni Quintos ay lalong lumabo ng magsama-sama na ang mga elementong pan-teatro. Namutawi ang kakulangan sa bisyon ng direktor.
Gayunpaman, mangilan-ngilan sa mga kanta (musika ni CJ Javier) ay wagi. Natuwa ako kay Franco Laurel (Pepe Rizal) sa kanyang tamang timpla ng eksaherasyon at realistikong atake. Napakahusay din niyang kumanta at masigasig niyang napapagaan ang kanyang mga eksena. Epektibo din sana si Eric Dela Cruz bilang Tunying kapag realistiko at Simoun kapag eksena sa nobela na ang tinatahak.Kung klaro ang paglipat-lipat niya ng karakter sa piyesa, ito na nga ay isang kahinaan. Salamin lang ang nagbibigay diperensiya sa malapit na interpretasyon ni Dela Cruz. Hindi dapat umasa sa ganuong pagbabalat-kayo. Sa pisikal na transpormasyon dapat umasa ang isang aktor bilang kasangkapan sa pagtahak ng sining panteatro.
Bukod pa kina Laurel at Dela Cruz, nagmarka sa entablado sina Ces Quesada (Victorina), Greg De Leon (Kabesang Tales), Allan Palileo (Camora), Jacques Borlaza (Salvi), Anril Tiatco (Irene), Arkel Mendoza (Imuthis), Carlo Cannu (Ben Zayb) at Astarte Abraham (Maria Clara). Gayundin sina JM De Guzman (Basilio), Micaela Pineda (Juli), RJ Solis (Isagani) at Mary Jane Alejo (Hermana Bale) ngunit minsanan ay may kahinaan sa pagsasalita o presensya.
Sa direksiyon ni Quintos, hindi ko mawari kung bakit hindi klaro ang pag-shift mula sa eksena nina Tunying at Pepe sa mga eksenang kinapapalooban ng nobela at ang mga karakter nito. Gayundin ang diperensya sa acting style nina Tunying at Pepe sa fictional nitong mga karakter. Dito marahil humina at lumabo ang pagtingin at pagsulyap sa realistic at di-realistic na istilo at proseso. Karamihan din sa mga artista ay hindi kumakanta kung kaya’t kaliwa’t kanan ang sintunadong rendisyon. Nakapanghihinayang.
Mula sa kung saang apartelle sina Tunying at Pepe hanggang sa pagsasakulay ng mga karakter sa nobelang Filibusterismo na progresibong isinasabuhay ni Pepe ay dapat na klaro. Sa kabuuan ng pagtatanghal, kapana-panabik ang bersyong ito bilang isang musikal.
Sa talas ng materyal, humihingi din sana ito ng talas ng biswal na interpretasyon sa entablado. CUIDAO! (Beware!)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment